On
Ang milon ay gumagapang na baging sa pamilyang Cucurbitaceae at may bungang bilugan at milón din ang tawag.


Bagaman isang prutas, may uri ang milón na maituturing na gulay sa larangan ng pagluluto. Melon ito sa Ingles at may prutas na malaman at malinamnam. Katutubo ito sa Asia at Afrika ngunit lumaganap ang pagtatanim sa Europa at sa Amerika.


Noon pang 1600 ay may ulat na nagtatanim ng honeydew ang mga unang dayo sa Estados Unidos. Itinatanim ang milon sa panahon ng tag-init sa Filipinas ngunit sa mga pook na malapit sa tubigan. Bantog noon ang pinak ng Candaba, Pampanga bilang malawak na taniman ng milon at pakwan kapag tag-araw.


Ang pinakaunang milon sa Pilipinas ay ang milong tagalog, kahawig ng muskmelon (Cucumis melo), may magaspang at tila lambat na balát at kulay kahel na laman. Ginagadgad din ang laman at isinisilbing pampalamig.


Ang cantaloupe na Europeo ay may balat na maputlang lungtian at sinasabing inalagaan noong ika-18 siglo sa Italya ng hardinero ng Papa.


Ang winter melon, na nag-iisang milon sa genus Benincasa, ay gulay sa pagluluto at ang bubot pang bunga ay ginagawang inuming pampalamig. Ang honeydew ay higit na mahal sa milong tagalog ngunit malaganap na ring itinatanim sa maraming dako ng bansa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr