Longganisa
Iba-iba ang hugis nito. Karaniwan ang pahaba na parang maliit na talong. May pabilog na parang malaking holen. Sari-sari din ang mga sangkap na pampalasa.
Ngunit maaaring uriin sa dalawa: ang
- derekado (derecado) na maraming bawang, at ang
- hamonado (jamonado) na medyo matamis.
Naiiba ang longganísang Guagua dahil maalat at medyo maasim. May longganisa na rin ngayong karne ng baka o manok.
Tsampiyon ang longganisa sa agahan, kapiling ng samplatong mainit na sinangag, estrelyadong itlog, at ensaladang mga piraso ng kamatis o inihaw na talong. At may sawsawang sukang Paombong o sukang may siling labuyo.
Puwede rin itong ipalaman sa pandesal at mainam sa kalusugan kung sasamahan ng kamatis at dahon ng letsugas. Saka umuusok na sampuswelong kapeng barako.
Ang cocido ay tunay na Espanyol kung may mga piraso ng chorizo de bilbao. Pangmayaman ‘yon. Ngunit kung walang sorisong Espanyol, longganísa ang nakahalò sa garbansos, saging na saba, at mga gulay na carrot, patatas, repolyo, at petsay.
Kosído na s’ya! Ang totoo, ipinapampalasa ang longganísa sa maraming lutuin. Ipinapalit sa hamon ng nilaga. Dinudurog at inihahalo sa sinangag. Tinatawag na morsilya (morcilla) ang longganísang dugo ng baboy. Ang longganísang makaw ay inihahalo sa pansit.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Longganisa "