On
pansit

Nagmula ang pansit sa mga salitâng Hokkien na pian-e-sit na anumang mabilis lutuin ang ibig sabihin. Ngunit sa Pilipinas, tumutukoy lámang ito sa minasang arina’t itlog, pinatuyô, inirolyong manipis, at sakâ hinimay na tila mga mahahabàng hibla. Kapamilya nitó ang noodle sa Ingles, ramen sa Niponggo, at ispagheti sa Italyano. Maraming uri pansit na Filipino: may gawa sa minasang itlog, ang pansít kantón; minasang galapong ng bigas, ang pansít bíhon; minasang munggo, ang pansít sótanghón; minasang arina, ang pansít míswa; minasang trigo, ang pansít míki. Malimit din itong iginigisa, pansít gisádo, na may kasámang gulay at pampalasang kintsay.


Mula sa naturang uri ay lumitaw ang mga imbensiyong lutuin sa Filipinas. Pinakamatanda ang masabaw na pansít mámi, na sinasabing inilalakò noon sa mga kalye ng siyudad at meryenda ng mga trabahador. Matatabâ ang hibla ng pansít lómi. Masabaw na sotanghon ang pansít langláng sa parti nina Isagani. Modernong imbensiyon ang pansít malabón, ipinangalan sa pinagmulan nitóng bayan noon ng Malabon, na binubuo ng mapuputing pansít na galapong at nahihiyasan ng talaba, pusit, tahong at tulya, at hipon o sugpo. Sa mga pook na malayò sa dagat, mas paborito ang pansít luglúg na may salsa ng dinikdik na ulo ng hipon at karne at mga sahog na ginisang bawang, pritong tokwa, nilagang itlog, dinurog na sitsaron, tinapa, at halabos na hipon. Sa Iloilo, ang la paz bátsoy ay pansít na may sabaw at nilahukan ng mga lamang-loob ng baboy. Ang pansít mólo ay wanton na may hipon at hinimay na manok. SaLucban, ang pansít habháb ay tinawag na gayon dahil orihinal na hinahabhab, katulad ng gawain ng baboy, sa platong dahon ng saging.


Hindi maaaring walang pansít sa birthday party ng tradisyonal na pamilyang Filipino. May banal na paniwalang sagisag ang mahabàng hibla ng pansít para sa mahabàng búhay. Mabuhay ang pansít!


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr