On
Ang espasol ay kakaning malagkit na gawa sa galapong at gatas ng buko at iginugulong sa pinulbos na binusang bigas. Karaniwan itong manipis, pahaba, at hugis tubo; maaari rin itong hatiin sa maliliit na parisukat o bilog. Isinisilid ito sa plastik o ibinabalot sa papel o dahon ng saging.


Ang mga lalawigan ng Laguna at Bulacan ang ilan sa mga lalawigang kilala sa paggawa ng espasol.


Sa mga tindahan, karaniwan nitong kasabay ang bibingka, buko pie, cassava cake, at iba pang kakanin. Inilalako din ito sa mga pampasaherong bus.


Paborito itong panghimagas o pangmeryenda ng mga Filipino. Malimit din itong gawing pasalubong, o kaya’y pagkain sa biyahe.


May mga nabibiling espasol na may iba’t ibang lasa (flavor), tulad ng makapuno at langka. Puwedeng lagyan ang espasol ng dagdagsahog, tulad ng pinipig. Malambot ito at madalîng nguyain, bagaman may bahagyang lagkit.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr