pasalubong

Isang matandang kaugalian ang pag-uuwi ng pasalubong kapag bumalik mula sa isang paglalakbay o pangingibang-bayan. Ang pasalúbong ay anumang bagay—pagkain, damit, kagamitan, sobenir, at katulad—mula sa pinuntahan at inilaang ibigay sa “sasalúbong” o mga inaasahang daratnang kamag-anak o kaibigan. Ngunit naisiste ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario (1995), hindi kaugalian kundi batas ang pasalúbong. Mahirap umuwi nang walang dalá kahit kendi sa pamangkin. Maliban kung tunay kang kuripot. Pinansin nga ni Almario si “pasaherong Filipino” na madalîng makilála dahil sangkaterba ang hand carried pagsakay ng eroplano. May backpack na, may mga nakasakbat pa sa dibdib, at tatlong maleta ang bitbit. Kung hindi padalá ay pasalúbong ang mga iyon.


May batas din sa pantay-pantay na pasalúbong. Para walang inggitan. Para walang lumitaw na paborito. Bagaman isang magandang sining ang paunang pagpapabalita na isang sorpresa ang dalá-dalá. May ipinababalot pa sa magandang pakete ang kahit munting laruan para sa bunso o mumurahing panyo para sa lola upang maipagmalaki na totoong hindi niya nakalimutan at totoong pinag-isipan ang ipinasalúbong.


Ang kuwentong “The Mats” ni Pambansang Alagad ng Sining Francisco Arcellana ay hinggil sa pananabik ng pamilya sa pasalúbong na iuuwi ng ama mula sa lalawigan. Ginawa kasing tungkulin ng ama sa kuwento na mag-uwi ng anumang bagay na katangi-tangi mula sa pook na kaniyang binibisita. Sa gayong paraan, ang pag-uuwi ng pasalúbong ay isang edukasyon sa mga anak hinggil sa mga bagay na hindi nilá nakikita sa lungsod. Ito ang sikolohiya ngayon sa mga tindahan ng pasalúbong sa mga airport at estasyon ng bus. May nakatanghal na mga kakanin, tinapay, likhang-kamay, at sari-saring tinda na dagliang madadampot ng sinumang gipit sa oras at nakalimot bumili ng pasalúbong.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr