On

 

panutsa

Ang panutsa (o panotsa) ay puláng asukal na binuo at hinulma sa kalahating bao ng niyog.


Unang hakbang sa paggawa ng panutsa ang paglusaw ng muskobado hanggang maging likido. Pagkaraan, ibubuhos ang likido sa mga hulmahang bao ng niyog. Kung minsan, may saping dahon ng saging ang tiyan ng bao upang madalîng hanguin at hindi manikit sa bao ang likido. May mga hulmahan din ngayong aluminyo. Sa palengke, may panutsang ipinagbibili na nakakabit pa sa bao. May mga magkataklob naman at binigkis ng dahon ng bule.


Ginagamit ng iba ang panutsa kapalit ng asukal sa kape at binaldeng salabat. Sa hapag ng mahirap, may kumakagat ng sampiraso nitó at ginagamit na pampalasa sa kaning may bahog na tubig.


Ipinatutukoy din ang panutsá sa pagkaing Filipino na matamis, hugis sapad at pabilog, at gawa sa pinatigas na kayumangging asukal na tadtad ng mani. Gayunman, tinatawag itong sámanî sa Bulacan at bandi o bande sa ibang lugar. Maituturing ito bilang uri ng peanut brittle. Sa pagluluto, paunti-unting inilalahok ang mga mani habang hinahalò ang lusaw na asukal. Isasalin ito sa mga nakahandang sisidlan at hahayaang lumamig at matuyo bago isilid sa plastik. Kung may pangangailan para sa dagdagenerhiyang hatid ng asukal, at bitaminang pampalakas ng utak na hatid ng mani, wala nang tatalo sa ganitong panutsa. Mag-ingat lámang ang mga diyabetiko!


Pinagmulan: NCCA Official