On
Ang goto ay lugaw na may halong lamanloob ng baka, baboy, o kalabaw.


“Goto” rin ang nakagawiang tawag sa lamanloob (trepilya, o tripe) na ginagamit sa lutuin. Tinatawag din itong “Filipino beef congee” sa labas ng bansa. Isa ito sa mga paboritong meryenda ng mga Pinoy. Kapatid ito ng aroskaldo, na lugaw na may halong karne ng manok.


Bukod sa lamanloob, mga sangkap sa goto ang kanin, sibuyas, bawang, at nilagang itlog. Dagdag-pampalasa naman ang asin at paminta. May mga taong mahilig din itong sarsahan ng patis o katas ng kalamansi. Pinakamasarap ang goto kapag kinain kaagad nang mainit-init pa.


Bukod sa pagiging meryenda, hinahanap-hanap din ang goto sa gabi, sa panahon ng tag-ulan at Disyembre, o kaya ay pampagising pagkatapos makainom ng alak. Hindi mabilang ang mga gotohan sa mga lansangan ng bansa, at kadalasang kasama nito sa menu ang lugaw, aroskaldo, lomi, tokwa’t baboy, at pares.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: