On
Arosbalensiyana

Ang arroz ala valenciana, na kilala rin bilang arosbalensiyana, at balensiyana, ay lutong kanin na hinaluan ng karne at iba pang pampalasa.


Akmang-akma ang putaheng ito sa hilig ng mga Filipino sa kanin. Dahil sa pagiging hitik nito sa sahog, pinagsama na itong kanin at ulam, at dahil hindi rin ganoon kahirap ang paghahanda nito nang maramihan, malimit ihain ang arroz valenciana sa mga okasyong tulad ng pistang-bayan o bangketeng pampamilya.


Puwede rin itong isilid sa mga lalagyan bilang pambaon o pampiknik. Maituturing itong kapatid ng isa pang paborito ng Pinoy, ang paelya, at tulad ng nabanggit ay nagmula sa lutuing Espanyol.


Ginagamitan ito ng malagkit o regular na kanin, karne ng manok, tsoriso, at iba pang sahog na tulad ng patatas, sili, at nilagang itlog.


Nakaugalian ding ihalo ang gatas ng niyog. Maaari itong lagyan ng serbesa o puting alak bilang dagdag pampalasa.


Sa dami ng kanin at laki ng kawaling ginagamit, natututong ang mga gilid at ilalim ng arosbalensiyana samantalang nanatiling basa at malambot ang nasa gitna. Malimit na pag-agawan ng mga kakain ang masarap at malutong na tutong!


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: