On

 

paelya

Paelya


Ang paélya (mula sa Espanyol na paella) ay putaheng kanin na hinaluan ng karne, manok, lamandagat, gulay, at pangkulay. Sa madalîng sabi, maraming uri ang at maraming paraan ng paghahanda ng paelya. Tila lahat, puwedeng ihalò sa putaheng ito! Akmang-akma ang paelya sa hilig ng mga Filipino sa kanin. Dahil sa pagiging hitik nito sa sahog—pinagsáma na itong kanin at ulam—paboritong ihain ang paelya sa mga okasyong tulad ng pistang-bayan o bangketeng pampamilya. Maituturing itong kapatid ng isa pang lutong kanin, ang arroz ala valenciana, na nanggaling din sa Valencia ng Espanya


Ginagamitan ito ng malagkit o regular na kanin, at depende sa gustong uri ng paelya ang ilalahok. Ang totoo, isang pagkaing mahirap ang orihinal na paella sa Espanya. Almusal ito at pinaglalahok-lahok ang natira sa pagkain ng sinundang araw—kaning lamig, sungot ng hipon, mismis ng isda, at kahit anong gulay. Subalit sa Filipinas, totoong pagkain ito ng mayaman dahil espesyal ang mga sahog bukod sa espesyal ang kanin.


Kapag seafood paella, lumalangoy ang mga hipon at sugpo sa kanin. Kapag mixed paella, kung tutuusin ay kahit ano na ang puwedeng ilagay, basta aakma sa isa’t isa ang lasa ng mga lahok. Karaniwang sahog sa ganitong uri ng paella ang manok, tsoriso, sugpo, at tahong. Puwede ring maging paella negra kapag nilagyan ng tinta ng pusit. Karaniwan ding nilalagyan ng alige ang paelya. Sa dami ng kanin at laki ng kawaling ginagamit, natututong ang mga gilid at ilalim ng paelya samantalang nanatiling basâ at malambot ang nása gitna. (PKJ)


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr