On
Ang lugaw para sa bata at maysakít ay bigas na sinaing at maraming tubig.


Kaya sinasabing ang lugaw ay iniluto sa pagmamahal. Sapat ang umuusok sa init na isang mangkok na lugaw para umampat ng gutom at para pawisan at gisawan ng lagnat ang maysakít.


Ngunit ang lugaw na ginagamit na sabaw o kaldo (mula Espanyol na caldo) sa ibang putahe ay may ginisang bawang, sibuyas, at luya.


Nilalagyan ito ng pinatuyong bulaklak ng kasubha para magkulay dilaw ang sinaing na bigas at binubudburan sa ibabaw ng mga tinadtad na murang dahon ng sibuyas tagalog (leek).


Espesyal ang lugaw kapag nilagyan ng nilagang itlog. Lalo na kapag ginawang goto o aroskaldo.
Goto kapag tinampukan ang kaldo ng mga piraso ng bituka at ibang lamáng-loob ng baboy. Aroskaldo (arroz con caldo) o pospas kapag tinampukan ng mga piraso ng manok.


May panahong namulaklak ang Kamaynilaan sa mga tindahan ng goto. Nauso rin ang tókwa’t báboy na pantampok sa kaldo. May tinatawag ngayong pares sa karinderya at maaaring pumilì ng dalawa sa mga nabanggit na pantampok kasama ng lugaw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: