On
Ang bulalo ay orihinal na tumutukoy noon sa “utak” ng buto sa binti ng baka o bone marrow sa Ingles.


Ngayon, ipinantutukoy na ito sa dalawa pa. Una, sa mismong binti o biyas kapag bumibili ng karne ng baka o shank sa Ingles; ikalawa, sa nilagang lulod ng baka at mga sahog na gulay.


Ganito ang payo sa nais magluto ng bulalo. Pagpunta sa palengke, sabihin sa matadero na putulin ang biyas sa paraang nakabukas ang malaking bahagi ng buto samantalang nakasara ang dulong hugpungan ng binti at hita.


Para luminamnam ang sabaw, isama sa isang pirasong baka ang isang buong sibuyas, isang ulo ng bawang, paminta, lawrel, carrot, repolyo, petsay, mga patatas, at siyempre, timplahan ng patis. Masarap ang umuusok na sabaw ng bulalo kapag malamig ang panahon.


Sa Batangas, nakalinya sa gilid ng lansangan ang mga restoran at turo-turo na nagbebenta ng nilagang bulalo. Senyas ang mga nakaparadang trak at kotse na may masarap na bulalo ang karinderya.


Isang eksperto ang nagsabi na sa Lungsod Makati, may isang karinderya na Soseng’s ang pangalan at dinadayo ng mga negosyante’t estudyante sa tanghali dahil sa malinamnam na bulalo. Problema lang daw ang parking.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: