Kare-Kare
Ayon sa diksiyonaryo ng Oxford, nagmula ito sa Tamil na kari (maanghang na salsa). Ang salsang ito ay tila mga malapot na sabaw ng nilaga na may mga munting piraso ng karne at iniuulam sa kanin.
Ang orihinal na kari ay may paminta lamang na pampaanghang. Ngunit nadagdagan ito ng dinidikdik na sili, cumin, at buto ng mustasa sa paglipas ng panahon at paglaganap nitó sa ibang bansa. Naging curry ito sa Ingles.
Ang espesyal na kare-kare ay may nilagang buntot ng baka at mga sangkap na kamatis, puso ng saging, talong, sitaw, petsay. Ngunit hindi maanghang ang malapot na salsa. Sa halip, pinalapot ang salsa sa dinikdik na tinostang bigas at manî (puwede ring peanut butter). Paboritong kakombinasyon nito ang ginisang bagoong na alamang.
Ang kare-kare ay tampok na putahe sa handaang pampamilya. Hindi ito isang mumurahin at simpleng lutuin. Kaya mahirap paniwalaan ang alamat na Filipino ito at mula sa pinaikling pagkaing “kari-karinderya.” Bukod pa, hindi katutubo ang karinderya kundi may ugat sa carinderia ng mga Espanyol.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kare-Kare "