On
pastilyas

Ang pastílyas ay matamis na pamana ng kolonyalismong Espanyol. Lumaki sa pamilyang mestiso si Carmen Guerrero Nakpil at matimyas na bahagi ng kaniyang gunita ng Pasko ang “nagtutumayog na mga castillo (mistulang monumento ng mga minatamis), pastillas na binalot sa napapalamutihang papel de-hapon, bagong tálop na tamales at lahat ng mga paraan ng pagkekendi at bon-bons. Itinanim nang sapilitan ang mga ito sa ating isip.”


Sa Pilipinas, ang pastílyas (mula sa Espanyol na pastilla+s) ay kending gawa sa gatas. May matigas at may malambot na uri. Pinakapopular ngayon ang uri ng malambot na pastílyas, na tinatawag ding pastílyas de-létse, na gawa sa gatas na kalabaw sa bayan ng San Miguel de Mayumo, Bulacan. Bago ang lahat, tinawag na “mayùmo” ang bayan, na nangangahulugan ng “matamis’ sa Pampanggo, dahil bantog ito noon sa mga minatamis na bungangkahoy at sa pastilyas.


Isang sining sa San Miguel de Mayumo ang nakagarapong minatamis na santol, dayap, suha, o kundol na may inukit na bulaklak, pangalan ng may-ari o pagbati sa pinaghahandugan. Bordado ang tawag sa ganitong minatamis dahil tila ibinorda ang bulaklak at mga titik sa piraso ng prutas. Malimit na nakahanay ang mga garapon ng bordadong prutas sa estante ng platera at inilalabas lámang kung pista. Isa ring sining sa bayan ang palamuting pambálot ng pastílyas na may “buntot” na nagtatanghal ng ginupit na disenyo ng tanawin, pangalan, o pagbati. Inihahanay ang mga pastilyas sa isang prutera sa gitna ng mesa at nagiging pang-akit ang mga nakalaylay na “buntot” na hitik sa iba’t ibang disenyo.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: