Pulut On Pagkain May dalawang uri ng pulut. Una at mas múra, ang matamis at malapot na katas ng tubo. Tinatawag itong molasses sa Ingles. Nakukuha din ito sa sugar beet. Karaniwan ito noong inihahalò sa pagkain ng kabayo at ibang alagang hayop. Ngunit ginagamit ito ngayon sa manupaktura ng ethyl alcohol at bilang suplementong pangkalusugan. Ikalawa, ang matamis, malapot, ngunit malinaw na likidong likha ng bubuyog na pukyút, at malimit tawaging ”pulút-pukyútan.” Tinatawag itong honey sa Ingles at nililikha ng pukyut mula sa nektar ng mga bulaklak. Ginagamit ang pulut bilang pagkain, pampatamis (tulad sa kape), o sarsa.Malimit itong ihalò sa gata, ang katas mula sa pinigang kinudkod na niyog na tinatawag ding coconut milk. Malinaw na ito ang batayan ng ”pulutgatâ” bilang salin ng Ingles na honeymoon ng Espanyol na luna de miel. Mapapansin lámang na kapuwa pang-uri sa buwan (moon at luna) ang pulút sa ekspresyong Ingles at Espanyol. Samantala, inalis sa ekspresyong Filipino ang imahen ng buwan at tinigib sa masarap at katangi-tanging mga katas (ang pulút at ang gatâ) ang pinakamatamis na unang panahon ng pagsasáma ng bagong kasal. Share Bigwas
No Comment to " Pulut "