Ang Dasalan at Tocsohan (Dá·sá·lan at Tok·só·han) ay koleksiyon ng mga akdang nagpaparodiya o gumagagad sa mga dasal at katekismong itinuro ng mga paring Espanyol.


Sinulat ito ni Marcelo H. del Pilar bilang malikhain at matapang na pagsisiwalat ng ipokrisya ng mga alagad ng simbahan. Halimbawa rin ito ng mabisang pagkasangkapan ni del Pilar ng mga popular na anyong pampanitikan bilang lunsaran ng pagtuligsa sa awtoridad. Palihim itong inimprenta at pinakalat sa taumbayan. Naging napakalaganap nito kung kaya’t kinondena ito ni Arsobispo Bernardino Nozaleda.


Kabilang sa mga dasal na ginagad ni del Pilar ay ang “Ang Tanda ng Cara-icruz,” “Panginoon Kong Fraile,” “Amain Namin,” “Aba Guinoong Barya.” Ang bahaging “Tocsohan” ay parodiya sa anyong tanong-sagot ng pagtuturo ng katekismo sa bagong nananampalataya.


Makikita sa “Ang mga Biyaya ng Fraile” na hinuwad ito sa katekismong nagpapaliwanag sa apat na biyayang matatamo mula sa regular na pagdalo sa misa. Sa “Ang mga Utos nang Fraile,” madaling makita ang pagkakatulad nito sa Sampung Utos ng Diyos.


Narito ang “Aba Guinoong Barya” na gumagagad sa orihinal na panalangin para kay Birheng Maria:


Aba ginoong Baria, nakapupuno ka nang alkansiya, ang Fraile’y

sumasainyo, bukod ka niyang pinagpala’t pinahigit sa lahat,

pinagpala naman ang kaban mong mapasok.

Santa Baria, Ina nang Deretsos, ipanalangin mo kaming

huwag anitan ngayon at kami ipapatay. Siya nawa.


Ang mga akdang tulad nito ay ambag noon sa tinatawag na Kilusang Propaganda na isa si Marcelo H. del Pilar sa unang lider.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr