Ano ang terno?


Mula sa Espanyol na terno, tawag sa damit na may tatlong piraso, ang terno ay naging makabago’t karaniwang tawag sa traje de mestiza noong ika-19 siglo.


Ang traje de mestiza ay karaniwang may blusang may maluwang na manggas (pinakanamumukod ang tinatawag na butterfly sleeves), may saya na sayad sa lupa ang haba, at kapares na pañuelo o alampay.


Sa mga bahaging ito naglalaro ang naging ebolusyon ng terno bilang mamahaling kasuotang pambabae sa bungad ng ika-20 siglo. Gayunman, binabakas sa libro nina Salvador Bernal at Georgina R. Encanto (1992) ang kasuotan mula sa sinaunang saplot pambabae at sa mga pagbabagong idinulot ng kolonyalismong Espanyol.


May ulat na sarong ang karaniwang kasuotang pang-ibaba ng mga babaeng katutubo, na naging ina ng patadyong at saya. Dahil karaniwang manipis ang tela, pinatungan ito ng tapis, na malimit ay may matingkad na kulay.


Malaki din ang pagbabago ng sinaunang baro hanggang magkaroon ng manggas at blusang itinatago ang buong pang-itaas na bahagi ng katawan. Mahahalata sa bagay na ito ang paghihigpit ng Simbahan.


Nagbago ang tela at disenyo ng lumang balabal hanggang maging panyuwelo. Anupa’t bukod sa impluwensiyang Europeo, tila mamahaling bersiyon ang terno ng payak na baro’t saya. Dagdag na dingal ang mamahaling telang husi (jusi) at pinya.


Nagkaroon din ito ng iba’t ibang disenyo. Isa na ang balintawak, isang payak na térno, at naging paboritong kasuotan sa pista at sa mga piknik sa Antipolo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr