Panyuwelo
Ang kuwadradong tela na itinupi patatsulok, ibinalabal sa balikat at itinatapat ang dalawang dulo sa may dibdib ng isang babae ay tinatawag na panyuwelo. Mula sa salitâng Espanyol na pañuelo at nangangahulugang malaking panyo o kuwadradong tela, ang panyuwelo ay isang mahalagang bahagi ng kasuotang Filipino para sa kababaihan noong panahon ng Espanyol.
Kadalasang gawa sa telang habi sa hibla ng pinya, binobordahan ang panyuwelo ng mga disenyong hugis bulaklak at mga kurba-kurba na nagpapakita ng kahusayan ng mga Filipino sa sining. Kadalasan, natural na kulay ng tela ang ginagawang panyuwelo. Hindi maaaring maging matingkad ang kulay ng panyuwelo dahil matatabunan nito ang kagandahan ng baro.
Pinoprotektahan ng panyuwelo ang leeg ng babae laban sa init ng araw na maaaring maging sanhi ng pag-iitim ng batok ng Fiilipina. Bukod sa proteksiyon sa init ng araw, nagsisilbing karagdagang pantakip sa dibdib ng babae ang tela. Hindi kagaya ng baro, hindi madalîng malukot ang panyuwelo dahil pinatitigas ng gawgaw. Isa ring simbolo ng antas sa lipunan ang panyuwelo. Kung mas masinsin ang borda nito, mas mayaman ang nagsusuot.
Nagkakaroon ng ganda at elegansiya ang baro’t sáya dahil sa panyuwelo. Esensiyal ang panyuwelo upang mabuo ang itsura ng damit na Maria Clara.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Panyuwelo "