Habi o Paghahabi

Ang habi ay tela na binuo sa pamamagitan ng pinagsalit-salit na mga himaymay, hibla, o sinulid. Tumutukoy din ito sa paraang ginamit o natatanging disenyo sa paghahabi.


Halimbawa, ang “habing Iloko” ay tumutukoy sa paraan at disenyong katutubo sa Ilocos. Ang “tinalak” ay isang halimbawa ng katangi-tanging paghahabing gumagamit ng hibla ng abaka. Ang “hablon” ay isang paraan ng paghahabing nagmula sa Iloilo.


May mga palatandaan ng katutubo’t sinaunang ugat ang paghahabi sa Filipinas. Halos lahat ng pangkating katutubo sa bansa ay may sinaunang habihan, paraan ng pagkuha ng himaymay sa iba’t ibang halaman, at natatangi’t paboritong kulay at disenyo.


Sa panahon ng Espanyol natutuhan ang paggamit ng sinulid na bulak (cotton). Sa panahon ding ito nadevelop ang industriya ng paghahabing gumagamit ng maselang hibla ng pinya na nakilalang husi, at ginagamit sa paghabi ng mamahaling tela para sa barong tagalog at kasuotang pngmariwasa.


Sa kasalukuyan, higit na popular ang mura, matibay, at sari-saring kulay na tela na habing pabrika at yari sa mga sinulid na sintetiko.


Gayunman, patuloy na isinusulong ang katutubong habi bilang industriyang pangkomunidad. Isang magandang halimbawa ang programa sa Ilocos na paunlarin at tangkilikin ang abel/inabel o habing Iloko.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: