Ang misa ay tawag sa pagdiriwang o ritwal ng Eukaristiya ng Simbahang Katolika. Mula ito sa salitâng Espanyol na misa at nagmula naman sa Latin na missa. Sa Kristiyanong paggamit, nangangahulugan itong “misyon.”


Idineklara ng Konseho ng Trent ang Huling Hapunan ni Hesus kasama ang kaniyang Apostoles bilang simula ng ritwal ng misa ng Simbahang Katolika.


Ang nakasaad sa Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lukas na pagkuha, paghati, at pagbibigay ni Hesus ng tinapay bilang kaniyang katawan at pagbabahagi ng alak bilang sariling dugo sa mga apostoles ang naging modelo ng sakramento ng komunyon.


Sumasailalim ang tinapay at alak sa isang transpormasyon upang maging tunay na katawan at dugo ni Kristo na pinagsasaluhan sa misa. Para sa Simbahang Katolika, ang eukaristiya o misa ang sentro ng lahat ng gawaing eklesyastiko.


Pinaniniwalaang idinaos ni Padre Pedro Valderrama ang unang misa sa bansa noong 13 Marso 1521 sa Limawasa, Leyte kasáma ang mga sundalo ni Magellan at mga katutubo, partikular sina Raha Siaiu ng Mazaua at Raha Kulambo ng Butuan. Isang obra ng Pambansang Alagad ng Sining Carlos “Botong” Francisco ang pinturang


Ang Misa de Gallo (nangangahulugang ‘misa ng tandang’) ay higit na kilalá sa tawag na Simbang-Gabi at isang serye ng siyam na misa bago mag-Pasko. Ipinagdiriwang naman ang Misa de Aguinaldo naman tuwing gabi ng Pasko. Ang Misa Cantada ay isang inaawit na misa at ipinagdiriwang sa mga espesyal na okasyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr