On
Kulang ang handa kung pista kapag walang letson o litson. Ang pangalan ay mula sa lechon ng mga Espanyol ngunit malaki ang posibilidad na sinauna’t katutubo ang pag-iihaw ng isang buong baboy kapag may malaking pagtitipon o may espesyal na pagdiriwang.


Ang kasalukuyang mga paraan ng pagleletson sa buong bansa ay waring iba na sa letson noong panahon ng Espanyol at patuloy na binabago ng teknolohiya at engkuwentro sa ibang kultura.


Hindi ito dapat ipagtaka, dahil wika nga ni Doreen G. Fernandez, ang lutuing Filipino ay “kasindinamiko ng alinmang buhay at lumalaking mukha ng kultura” at “nagbago sa pagdaraan ng kasaysayan, sa pamamagitan ng pagsagap ng mga impluwensiya, pagsasakatutubo, pag-angkop sa bagong teknolohiya at mga panlasa.”


Pagalingan pa rin ang mga magleletson sa pantay na luto at lutong ng balat ng buong baboy, Garantisadong pampalinamnam ng laman ang pagsisiksik ng dahon ng tanglad o pandan sa tiyan ng baboy bago tahiin.


Sa ilang pook sa Bulacan, tinitigib sa kanin, patatas, pasas, at iba pang pampalasa ang tiyan kasama ng tanglad at ito ang tinatawag na malangis at malinamnam na bringhe.


Sa Batangas, mga dahon ng sampalok, alibangbang, at saging ang ipinalalamán sa tiyan ng letson.


Sa Bisayas, karaniwan din ang tanglad ngunit may kahalong bawang, anis, at iba pa bukod sa may nagbababad sa 7-Up sa pampalasa. Ipinagmamalaki ng Cebu ang letson na hindi nangangailangan ng salsa.


May panahong monopolisado ng Litson ni Mang Tomas ang komersiyal at madaliang suplay ng letson sa Kamaynilaan. Marami na ngayong kakompetensiya bukod sa may sangay na ng letson mulang Cebu o Cagayan de Oro.


May mga restorang naghahanda ng cuchinillo o letsong biik. Tinatawag ding letsong de-letse.


May nagdevelop ng teknolohiya na naihahandog ng tinilad nang lamán at loob ng letson ngunit buo pa rin ang balát. Anuman ang mangyari, ang matira sa letson ay nagiging masarap na paksiw na letson. At kung nagtitipid, maaaring mamalengke ng karneng may balát at magpulutan ng letsong kawali, na bukod sa kasinlutóng ng orihinal ay kasinyaman sa kolesterol.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: