On
paksiw

Paksiw


Paksíw o pinaksíw ang isang lutuin upang magtagal nang kahit sanlinggo ang pagkain. Sa isda, pinakukuluan ito sa palayok na may sukà, luya, at siling habâ (siling pansigang).


Kahit anong isda, malaki’t maliit, ay puwedeng ipaksíw. Kung malaki, gaya ng tambakol at tanige o tanggingge, maaaring putol-putulin bago isilid sa palayok. Tatlong putol malimit ang bangus: may parteng buntot, may parteng ulo, at parteng gitna na gusto ng marami dahil may tiyang matabâ. Para mas pakinabangan ang paksíw na ayungin, payo ng tula ni Jose F. Lacaba ay huwag munang lantakan ang maliit na lamán ng isda: 


Ganito ang pagkain


ng paksíw na ayungin:


bunutin ang palikpik


(para sa pusa iyan


at ang matirang tinik)


at ilapit sa labi


ang ulo, at sipsipin


ang mga matáng dilát;


pagkatapos ay mismong


ang ulo ang sipsipin


hanggang sa maubos


ang katas nitó.


Gayunman, kung umuulan, talagang napakasarap kumain ng paksíw, katerno ng ginisang munggo, at may sawsawang patis.

Sa Angono, espesyal na paksíw ang dinilawang kanduli. Pinapaksiw muna ang kanduli sa sukà, luya, at paminta. Ngunit hindi ito kinakain agad. Itinatago nang ilang araw para higit na lumasa. Kapag nakaupô na para kumain ang lahat ay sakâ iginigisa ang kanduli sa bawang, sibuyas, kamatis, talong, sitaw, at dahon ng alagaw. Kung sa bagay, “pinatatanda” din ang paksiw na letson para higit na lumambot at sumarap.

Pinagmulan: NCCA Official via Flickr

Mungkahing Basahin: