Kasangkapang panluto ang kawalì at karaniwang gamit sa pagsasangag, pagpiprito, at paggigisa.


Ito’y bilog, gawa sa pundidong bakal, at may hawakang hugis embudo. Tinatawag din itong karahay. Malalim ang tiyan nito at karaniwang ilarawan na makintab at malangis ang loob samantalang maitim at mauling ang labas dahil sa matagal na paggamit.


Wika nga sa isang sinaunang bugtong tungkol sa alimango:

Bahay ni Ka Tale

Bubong ay kawali

Haligi’y balî-balî

Loob ay pusali.


May hawig ito sa wok ng mga Tsino at sinasabing isa sa mga inangkat na produktong Tsino mula noong 1609.


Ang yerong molde na ginagamit sa paggawa nito noong ika-18 dantaon ay mula sa minahan ng Angat at San Miguel de Mayumo sa Bulacan. Ang mas malaking bersiyon na may hawakang tila dalawang tainga ay tinatawag na talyasì.


Pangmalaking handaan ang kawa. Ginagamit naman ang tansong tatso para manatili ang sariwang kulay at maging malutong ang binurong pipino at minatamis na kondol.


May kaugalian na bilhin ito ng bagong kasal o regaluhan sila bago sila lumipat sa kanilang bagong bahay. Para bigyan sila ng suwerte at masaganang pagkain araw-araw. Ang matibay na kawalì ay ipinamamana sa panganay na anak.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: