Ang loob
On Pamumuhay
Sa pinakapayak na paliwanag, ang loob ay tumutukoy sa “bahagi o rabaw na hindi nakikita.” Kaya, ang looban ay maaaring tumukoy sa lupang nababakuran o sa kabahayan sa likod ng mga bahay sa tabing kalsada (kaya hindi madaling makita).
Ang manloob naman ay karaniwang tumutukoy sa taong sapilitang pumasok sa isang teritoryo para magnakaw.
Tumutukoy rin ang loob sa “dalisay at taal na diwa ng pagkatao.” Ang pangalawang depinisyong ito ang may kinalaman sa sikolohiya at pagkatáong Filipino at siyang interes ng di-iilang iskolar sa bansa.
Bilang isang idea, ang loob ay kumakatawan sa internal na bahagi ng pagkataong Filipino. Kataliwas nito ang labas na kumakatawan naman sa pisikal na bahagi.
Maraming idyoma ang loob sa wikang Filipino na naglalarawan ng iba’t ibang aspekto ng Filipinong identidad.
Ilan sa halimbawa ang:
- saloobin: panloob na iniisip o nararamdaman;
- kalooban: kagustuhan;
- lakas ng loob: tapang;
- tapat na kalooban: matapat, mapagkakatiwalaan;
- tibay ng loob: katatagan;
- kababaang-loob: pagiging mapagkumbaba;
- kabutihang-loob: kabaitan;
- kagandahang-loob: pagiging mapagbigay, bagaman saklaw din ito ang iba pang magandang katangian;
- kusang-loob: pagbibigay nang hindi hinihingi;
- maluwag sa loob: may kahandaan at kabukasang gawin ang isang bagay;
- mabigat ang loob: walang kahandaan at kabukasang gawin ang isang bagay;
- mahina ang loob: duwag;
- malakas ang loob: matapang;
- masamâ ang loob: galit;
- mapagkaloob: mapagbigay;
- utang-na-loob: pagtanaw sa nagawang kabutihan ng iba;
- wala sa loob: hindi alam ang ginagawa;
- kapalagayang loob: nasasabihan ng anumang bagay tungkol sa personal na buhay.
Ipinahihiwatig ng mahabang listahang ito ang kahalagahan ng loob sa kultura at pagkataong Filipino.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang loob "