Isang sinaunang halagahang Filipino ang utang na loob at tumutukoy sa taimtim na pagpapahalaga ng isang tao sa kaniyang tinanggap na tulong o pabor mula sa iba.


Kung totoong taimtim, ituturing niyang obligasyon ang tinanggap na tulong, isang “útang” na dapat bayaran, o isang “útang” laging magdudulot sa kaniya ng imperyoridad sa harap ng nagbigay ng tulong o pabor.


Makaaahon lamang siya sa utang-na-loob kapag “nakabayad” o nakapagdulot ng tulong o pabor sa kaniyang “pinagkakautangan-ngloob.”


Magandang halagahan ito ngunit maaaring pagsamantalahan ng mariwasa at makapangyarihan upang palagiang apihin ang dukha at mahina.


Dahil sa matagal nang pag-iral, ang utang-na-loob ay isa nang komplikadong kodigo ng ugnayang panlipunan sa bawat barangay, bayan, at kahit lalawigan.


Malaking bahagi ng politika ngayon, lalo na’t eleksiyon, ang naiiralan ng pagtanaw at pagpapatanaw ng utang-na-loob.


Nagtatanim ng utang-na-loob ang nais kumandidato sa pamamagitan ng kunwa’y pagtulong sa mga mamamayan. Sinisingil niya ito sa pamamagitan ng boto pagdating ng halalan. Umiiral din ito sa ugnayang panginoong-maylupa at kasama. Inaasahang utang-na-loob sa panginoong-maylupa ang bawat ibigay nitong tulong sa pangangailangan ng naghihirap na magsasaka kaya lalong nababaon ang hulí sa utang at kahirapan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: