Ang pag-utang ng halagang 20 milyong piso
Inaprubahan ni Heneral Emilio Aguinaldo ang pag-utang ng halagang 20 milyong piso.
Sa pagtatatag ng isang bagong pamahalaan, nangangailagan ito ng limpak-limpak na salapi upang gumana ang pamahalaan at epektibong maibigay ang mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan nito.
Sa araw na ito, Nobyembre 26, noong 1898, naglabas ng kautusan si Heneral Emilio Aguinaldo ng dekreto na nagbibigay-pahintulot sa kanyang pamahalaang rebolusyonaryo, sa ngalan ng pambansang kaban ng bayan, na umutang ng perang nagkakahalaga ng 20 milyong piso. Ayon sa kontratang nagbibigay-pahintulot sa pamahalaan rebolusyonaryo na umutang, kailangang bayaran ang inutang na 20 milyong piso (katumbas ng 17 bilyong piso sa ngayon) sa loob ng 40 taon simula sa panahong nalagdaan ang kontrata, na may taunang interes na hanggang 6%.
Mula Mayo hanggang Setyembre 1898, aabot sa 2.5 milyong piso ang kabuuang halaga ng revenue ng pamahalang rebolusyonaryo ni Heneral Aguinaldo, pero kulang ito upang mapunan ang gastos ng pamahalaan na tinatayang aabot sa 6.3 milyong piso, kaya kinailangan ang pagdaragdag ng salapi ng pamahalaan sa pamamagitan ng pag-uutang. Sa kaugnay na dekretong ipinatupad ni Heneral Aguinaldo noong ika-30 ng Nobyembre, nagtalaga si Aguinaldo ng 24 kataong mangangasiwa sa paggasta ng pera, pero binatikos ito ni Apolinario Mabini, tagapayo ni Aguinaldo, dahil pagmumulan ito ng korapsyon, at sa halip, ipinayo niyang bawiin muna mula sa mga Amerikano ang Maynila para doon magtatag ng isang bangko sentral na tunay na mangangasiwa sa pananalapi ng pamahalaan. Pero hindi na ito maisakatuparan dahil sa digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Isinabay rin ni Heneral Aguinaldo sa kautusang ito ang pag-uutos niyang gumawa ng mga bagong perang papel at barya na aabot hanggang tatlong milyong piso, na magsisilbing opisyal na banknote ng bagong Republika. Inutos ni Heneral Aguinaldo na maglathala ng mga 1, 2, 5, 10, 25, 50 at 100-pisong perang papel, na may mga mismong lagda nina Pedro Paterno, Telesforo Chuidian at Mariano Limjap, upang maiwasan ang pamemeke ng pera.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang pag-utang ng halagang 20 milyong piso "