On
Ang alimango [Scylla serrata (Forsskal)] ay kabilang sa pamilyang Portunidae. Ito ay tinatawag ding alama, rasa, o kangreho. Ito ay makikita sa Indo-Pasipiko, mula Hapon, Tsina, Filipinas, mga isla ng Hawaii hanggang Australia, Indonesia, silangan at timog ng Aprika. Ito ay dinala rin sa Mexico.


Ang talukab ng alimango ay hugis pamaypay na may makinis na balat at ang paligid ng harapan ay may anim na tinik sa pagitan ng mga mata at siyam na tinik naman sa gilid na loob. May malalim na hugis H sa gitnang bahagi.


Minsan ang talukab ng malalaking lalaki ay higit sa 20 sentimetro ang lapad na may bigat na 1.5 kilo. Ito ay nagtataglay ng matibay na sipit na pansunggab na kung tawagin ay cheliped. Ang cheliped ay matigas at matipuno. Tulad ng ibang miyembro ng pamilyang Portunidae, ang hulíng pares ng binti na mala-sagwan ang hugis ay ginagamit panlangoy. Ang sipit ng lalaki ay nagiging malaki. Ito ay kulay berdeng abo o kayumangging lila.


Ang alimango ay naninirahan sa maputik na ilalim ng tubig sa may pampang, bakawan, at bunganga ng ilog. Ito ay aktibo at agresibo. Ito ay isang karniboro at kumakain ng molusko, krustaseo, uod, halaman, at mga labí ng hayop.


Hinuhúli sa pamamahitan ng pante, bintol, o kulungan na may paing isda o anumang klaseng karne at ito ay nakalagay sa ilalim ng tubig.


Ang babaeng may magulang na obaryo ay mas mahal ang presyo at masarap samantalang ang mga lalaki naman ay mura kahit gaano kalaki. Ito ay kadalasang ibinebenta nang buhay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: