Alimasag
Ang talukab ay malapad, magaspang, at may mga batik. Karaniwang sukat ng talukab ng lalaki ay pitong sentimetro samantalang 6.5 sentimetro namanang sa babae.
Ang harapang bahagi ay may apat na ngiping hugis tatsulok at siyam na ngipin naman sa may gilid. Ang pinakalabas na ngipin ay 2-4 na mas malaki kaysa susunod.
Ang sipit ay pahaba (mas marami ang sa lalaki kaysa babae) at may ngipin na korteng apa sa ilalim ng mga galamay. Ang mga binti ay pahabang unat at ang dalawang bahagi ng hulíng pares ay hugis sagwan.
Ito ay nagtataglay ng matibay na sipit na pansunggab at kung tawagin ay chelipeds. Ang chelipeds ay mahabà, matigas, matinik at magulugod. Ang lalaki ay makulay at may mga asul na marka samantalang ang babae ay kulay mapusyaw na lungtian.
Ang alimasag ay matatagpuan sa mga mabuhangin at maputik na bahagi ng tubig, sa lalim na 10 hanggang 50 metro, malapit sa mga tangrib, bakawan, at lusayan.
Ang batang alimasag ay kadalasang naglalagi sa mas mababaw na bahagi ng tubig. Ito ay matanda na kapag sumapit ng isang taon. Ito ay isang karniboro at kumakain ng iba’t ibang uri ng organismo, tulad ng maliliit na alimasag, molusko, uod. Bihira itong kumakain ng mga halaman.
Hinuhuli ito sa pamamahitan ng pante, bintol, o kulungan na may paing isda o anumang klaseng karne at ito ay nakalagay sa ilalim ng tubig. Ang Filipinas ay isa sa mga bansang may pinakamaraming huli ng alimasag. Ito ay ibinebenta nang sariwa o inilagay sa yelo sa mga palengke o pabrika na nagdede-lata ng mga alimasag. Mas múra ang presyo nito kaysa alimango.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Alimasag "