Ang bugtong ay isa sa pinamaikling tula sa Pilipinas. Karaniwang binubuo ito ng dalawang maikling taludtod at may tugma.


Gayunman, may bugtong na mahigit dalawang taludtod at kung minsan ay walang tugma. Ang paksa nitong pinahuhulaan ay dapat na pambalana, kaya ang nasusubok dito ang husay humanap ng hambingan para magtila hindi alam ang isang bagay na alam ng lahat.


Ordinaryong paksa ng bugtong ang katawan ng tao, gaya sa sumusunod na bugtong tungkol sa mga bahagi ng mukha: “Isang bayabas/Pito ang butas.” O kayâ ang kalikasan at kaligiran, gaya ng bugtong na ito sa Bikol tungkol sa niyog: “Si tubig kan langit/ Si langit kan unit.” (Tubig na binalot ng langit/ langit na binalot ng balat.) O ng bugtong na itong Waray tungkol sa mga bituin: “Halu-ag nga kapatagan/ Ginpugasan hin bulawan. (Malawak na kapatagan/ tinamnan ng mga ginto.)


Ginagamit itong aliwan at paligsahan kapag may pagtitipon o namamahinga. Nilalaro ito kapag may lamay para sa namatay. Ngunit sa ilang pook, may pamahiin laban sa paglalaro nitó kung gabi o kung kumakain.


Ang bugtong ay tinatawag ding paktakon at patugmahanon sa Aklanon, bugtong, paukukudan, at patukód sa Bikol, antukí sa Higaonon, paktakan o palantí sa Hiligaynon, kabánek sa Ibaloy, burburtiyá sa Iloko, palantu sa Kiniray-a, antoka sa Maranaw, bugtong sa Pampanggo, bonikew sa Panggasinense, tigmo sa Sebwano, katakatá at pagtukúd sa Tausug, patitguón o patigo sa Waray.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: