Sino si Amado V. Hernandez?


Si Amado V. Hernandez ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1973. Mas kilala siya bilang Ka Amado sa kaniyang mga kaibigan at kasama sa kilusang paggawa. Kinilala siya dahil sa mga akdang makabayan at nakikisangkot sa mga problemang panlipunan at dahil sa kaniyang totoong paglahok sa organisasyong pampolitika.


Nagsimula siya bĂ­lang manunulat at editor bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pagkaraan ng digma, naging kinatawan siya ng Newspaper Guild of the Philippines sa pamunuan ng Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo siya ng CLO noong 1947 at nahalal ding Konsehal ng Maynila noong 1945 at 1947.


Nang sumiklab ang pag-aalsang Huk, isa siya sa pinaghinalaang Komunista at dinakip. Kahanga-hanga ang pangyayaring marami siyang nasulat na akdang pampanitikan habang nakabilanggo at nililitis. Napawalang-sala siya noong 1964 at nagpatuloy sa pakikilahok pampolitika hanggang mamatay noong 24 Marso 1970.


Itinuturing na pinakamahalagang aklat niya ang kalipunan ng tulang Isang Dipang Langit (1961), ang mga nobelang Luha ng Buwaya at Ibong Mandaragit (1969), tulang pasalaysay na Bayang Malaya (1969), at mga dulang “Muntinglupa” (1957), “Hagdan sa Bahaghari” (1958), “Ang mga Kagalang-galang” (1959) at “Magkabilang Mukha ng Isang Bagol” (1960).


Paborito namang binibigkas ang kaniyang mga tulang “Kung Tuyo na Luha mo Aking Bayan,” “Panata sa Kalayaan,” “Inang Wika,” at “Makalawang Namatay.”


Nagtamo ng karangalang banggit ang kaniyang “Kayumanggi” sa Commonwealth Literary Contest noong 1938, at nabigyan siya ng Republic Cultural Heritage Award para sa Isang Dipang Langit noong 1962. Kinilala rin siyang Makata ng Ilaw at Panitik noong 1925, Patnubay ng Sining at Kalinangan ng Lungsod Maynila noong 1964, at Tanglaw ng Lahi ng Ateneo De Manila noong 1970.


Isinilang siya sa Tondo, Maynila noong 13 Setyembre 1903 kina Juan Hernandez at Clara Vera. Napangasawa niya ang Reyna ng Sarsuwela at Kundiman at kapuwa Pambansang Alagad ng Sining sa Teatro na si Atang de la Rama.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: