Ginagamit sa iba’t ibang kahulugan noon pa ang salitang bayan. Maaari itong tumukoy sa buong bansa, o sa isang malaking pangkat ng tao, o sa isang dibisyon sa loob ng isang lalawigan. Ang hulíng nabanggit ang higit na tinutukoy ng bayan sa kasalukuyang pamahalaang lokal ng Filipinas. Opisyal itong tinatawag na munisipalidad (municipality).


Ang bayan o munisipalidad ay dibisyong pampolitika sa isang lalawigan. Binubuo ito ng isang pinangkat na mga barangay. Nilikha ito upang mas mahusay na mapamahalaan ng gobyerno ang mga pamayanan at magsisilbing pangunahing daluyan ng paghahatid ng batayang serbisyo sa mga mamamayan.


Tanging ang Kongreso ng Filipinas ang may kapangyarihang lumikha at magbuwag ng isang bayan at pinagtitibay ng mga apektadong mamamayan sa pamamagitan ng isang lokal na plebisito. Maaaring likhain ang isang bayan kung ito ay mayroong taunang kita na hindi bababa sa P2,500,000.00, may populasyong umaabot 50,000, at may kabuuang saklaw na teritoryong hindi bababa sa 50 kilometro-kuwadrado.


Pinamumunuan ang isang bayan ng alkalde o punongbayan at bise alkalde o pangalawang punongbayan. Ang mga opisyal na ito ay direktang inihahalal ng mga mamamayan. Naghahalal din ang mamamayan ng mga konsehal o kagawad ng bayan upang mabuo ang Sangguniang Bayan. Ito ang nagsisilbing lokal na lehislatura sa isang munisipalidad. May kapangyarihan itong magbalangkas ng mga ordenansa, magpataw ng buwis, pamahalaan ang negosyo at daloy ng kalakal sa nasasakupang bayan, at iba pang tungkuling nasasaad sa Local Government Code of the Philippines.


May iba’t ibang uri ng munisipalidad sa Filipinas ayon sa taunang kita:

  1. Una o primera na kumikita ng P55 milyon o higit pa;
  2. pangalawa o segunda na kumikita ng mahigit P45 milyon subalit hindi lalagpas sa P55 milyon;
  3. pangatlo o tersera na kumikita ng mahigit P35 milyon subalit hindi lalagpas sa P45 milyon;
  4. pang-apat na kumikita ng mahigit P25 milyon subalit hindi lalagpas sa P35 milyon;
  5. panlima na kumikita ng mahigit P15 milyon subalit hindi lalagpas sa P25 milyon; at
  6. pang-anim na may taunang kita na mababà sa P15 milyon.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: