Sino si Mariang Sinukuan?


Si Mariang Sinukuan ay isang napakaganda at mabait na diwata na pinaniniwalaang naninirahan sa Bundok Arayat.


Suko ang pinaikling tawag sa kaniya ng mga tao, bukod sa ito rin ang nagiging tawag sa bundok. Alinsunod sa alamat ng mga bayan sa paligid ng bundok, si Mariang Sinukuan ang nangangalaga sa mga halaman, hayop, at kaligiran.


Nahihingan din siyá ng tulong ng mga tao upang makaligtas sa bagyo at peste ang kanilang pananim. Dinadalaw din niya ang mga maysakit at binibigyan ng lunas.


Sa mga bayan sa Bulacan at Nueva Ecija, sinasangguni ng mga magsasaka tuwing umaga ang bundok. Kapag maaliwalas ang tuktok ng bundok, nangangahulugang aaraw maghápon. Ngunit kapag may “pútong si Sukô,” ibig sabihin, may maitim na ulap sa tuktok ng bundok, nangangahulugang may darating na ulan. Mga senyas ito kung dapat siláng magtanim ng palay o madaliin ang paggapas ng palay.


Sang-ayon sa alamat, tinawag siyáng “Sinukúan” dahil sumusukò sa kaniya ang mga nanligaw na engkantadong nilikha. Isa sa kanila ang masugid na si Baka, isang mayabang na higante na nakatira sa Sierra Madre.


Kahit tinanggihan na ni Maria ay ipinipilit pa rin ni Báka ang pagsinta. Sa dulo, napilitan si Maria na bigyan si Báka ng pagsubok. Ginamit ni Báka ang kapangyarihan upang magwagi. Ngunit higit na matalino si Maria. Sa dulo, bago tumanggap ng pagkatálo ay nagalit ang higante at pinukol ng mga bato ang bundok ni Maria.


Iyon ang sanhi ng pagkasira ng maganda’t konikong hugis ng Bundok Arayat. “Sumuko” si Báka at nagmukmok sa kaniyang kuweba sa Sierra Madre ngunit naglaho naman si Maria.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr