Higantes
Yari ang ulo ng isang higante sa taka (paper-mache) na hinuhulma ng pinatutuyong putik (noong mga nakaraang dekada) o plaster of Paris at resin (sa kasalukuyan).
Maaaring yari ang balangkas ng katawan sa kawayan, yantok, maninipis na bakal, o aluminyo. Pinipinturahan, dinadamitan ng tela, at pinahihiyasan ng makukulay na palamuti ang mga higante. May tao o mga taong pumapasok sa loob ng bawat higante upang “makapaglakad” at “makapagsayaw” ito.
Sa kultura ng Pilipinas, kasingkahulugan ng higantes ang masining na bayan ng Angono. Bahagi ang parada ng higantes sa Pista ni San Clemente na idinadaos tuwing Nobyembre 22-23. Pinakamatanda sa disenyo ng mga higante dito ang pamilya ng tatlong dambuhala, tatay, nanay, at anak na higante.
Nagsimula ang mga higante bilang malalaking karikatura ng mga Espanyol na panginoong maylupa ng mga Indiong taga-Angono. Nadagdagan ang mga ito ng iba’t ibang uri ng higante sa pagdaan ng panahon.
Matatagpuan din ang higantes sa ibang pista, tulad sa Pistang Magayon tuwing Mayo sa Lungsod Legazpi sa Albay; na ipinaparada ang mga maalamat na nilalang ng sinaunang Bikol. Makikita rin ang ilang higantes sa Ati-atihan tuwing Enero sa Kalibo sa Aklan, at maaaring ituring na inilawang higantes ang ilang parol sa Lantern Parade tuwing Disyembre sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Higantes "