Leandro Fullon: Liberador ng Antique
Si Leandro Fullon (Le·án·dro Ful·yón) ay tinaguriang bayani at liberador ng Antique.
Si Leandro Fullon ay ipinanganak noong 13 Marso 1874 sa Hamtic, Antique, pangatlong anak nina Don Justo Gorero Fullon isang cabeza de barangay at Justa Lerona Locsin.
Natutuhan ng batang Leandro ang alpabeto sa tulong ng kaniyang mga magulang. Pinag-aral siya sa Ateneo Municipal sa Manila at lumipat sa Colegio de San Juan de Letran. Hindi siya nakatapos ng kolehiyo, pero nagsumikap siyang magtrabaho para makapag-aral muli.
Pinakasalan niya sa edad na 22 si Petra Francisco, anak nina Evaristo Francisco at Margarita Dairo, isang prominenteng pamilya sa Binondo, Maynila.
Sa Himagsikang 1896, naging kasapi si Fullon sa Katipunan. Inatasan siya ni Heneral Emilio Aguinaldo na mamuno sa isang pangkat patungong Panay. Naglayag sila mula San Roque, Cavite noong 6 Setyembre 1898 at dumaong sa baryo Inyawan, Pandan noong 21 Setyembre 1898.
Ang puwersa ni Fullon ay binubuo ng 140 tauhan na may hawak na 340 riple at iba pang armas. Ang mga opisyal na kasapi ng tropa ay sina Kapitan Silvestre Salvio, Tenyente Felix Armada, Tenyente Ruperto Abellon, Korporal Demetrio Nava, at si Koronel Angel Salazar, Sr.
Payapang nasakop ni Heneral Fullon ang munisipyo ng Pandan, Culasi at Tibiao. Ngunit hinarang sila sa Ipajo, Bugasong nga mga Espanyol sa pamumuno ni Koronel Brandais. Madugo ang engkuwentro simula Setyembre 28 at nagwakas sa pag-urong nina Fullon sa Culasi, at sa kabundukan.
Noong Oktubre 19, 1898, sa kaarawan ni Aquilino Xavier Sr. ay nagdaos ng binayle o sayawan at sinamantala ito nina Fullon upang salakayin ang mga Espanyol. Umatras ang mga Espanyol mulang Culasi at iwinagayway ni Fullon ang bandila ng Filipinas.
Hindi naglaon, nakuha ni Fullon ang San Jose noong 25 Nobyembre 1898 at nagtatag siya ng isang gobyernong Filipino sa buong Antique.
Si Heneral Fullon kasama si Col. Ruperto Abellon, Silvestre Salvio, at Pedro Ledesma ay pumunta ng Iloilo upang tulungan ang puwersa ni Hen. Martin Delgado noong Disyembre 1898. Nakipaglaban at nanalo siya laban sa mga Espanyol at nasakop ang Molo at Arevalo.
Si Heneral Leandro Fullon ay sumuko sa mga Amerikano at nahirang na gobernador ng Antique noong 15 April 1901. Nagsilbi siyang gobernador hanggang namatay noong 16 Oktubre 1904.
Pinagmulan: NCCA official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Leandro Fullon: Liberador ng Antique "