Ano ang alferez?


Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, ang alferez (binabaybay ding alperés o alpirés sa Tagalog) ay pinunò ng hukbong militar sa isang munisipalidad.


May totoong ranggong militar ito na tenyente o kapitan, depende sa laki ng bayan at laki ng hinahawakang pangkat ng guwardiya sibil (mula sa Espanyol na guardia civil).


Sa nobelang Noli me tangere ni Jose Rizal, malinaw na ipinakita ang absolutong kapangyarihan ng isang alferez. Walang maaaring pumigil sa kaniyang utos o nais. Kahit ang kura ng San Diego, na ipinakilála rin ni Rizal na isang hari-harian sa bayan, ay maaaring salungatin ng alferez. Kailangang pati siyá ay linlangin ni Padre Salvi upang maging katulong sa planong pagwasak sa buhay ng bidang si Crisostomo Ibarra. Gayunman, ang alferez sa nobela ni Rizal ay binigyan ng asawang abusada at lasengga, si Donya Consolacion, at katawa-tawa ang kanilang eksena.


Ang orihinal na alferez sa Espanya ay isang mataas na opisyal sa korte ng hari. Nagmula ang katawagan sa Arabe na al-faris, na nangangahulugang “kabalyero,” bagaman isinalin din ito sa Latin na armiger o armentarius, na nangangahulugan namang “tagapagdalá ng armas.”


Karaniwang ang alferez ay pangalawa sa majordomo, ang pinakamataas ang ranggong opisyal sa kabahayan ng hari. Karaniwan ding pinunò ito ng mesnáda o pribadong hukbo at personal na mga ayudanteng kabalyero ng hari, at maaaring pati ng armori at guwardiya ng hari. Sumusunod siyá sa hari sa mga kampanya at sa labanan.


Nag-umpisa ang titulong alferez sa panahong Midyibal. Nauna noong ika-10 siglo ang kahariang Navarra at sinundan noong ika-11 siglo ng mga kahariang Castilla at Leon. Karaniwang iginagawad ang titulo sa kabataang maharlika ng korte, na nagiging hakbang tungo sa pagkakaroon ng ranggong duke (duque sa Espanyol).


Nasa kasaysayan ang gawad ni Haring Alfonso VIII ng Castilla ng isang bayan kay Alvaro Nuñez de Lara bilang gantimpala sa pagdadala nito ng kaniyang estandarte sa Labanang Las Navas Tolosa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr