Mas kilala sa tawag na pamaypáy, ang abaniko ay gamit para magbigay ng hangin sa naiinitan lalo sa panahon ng tag-init. Ang abaniko ay orihinal na habi mula sa halamang abaniko (Balamcanda Chinensis o blackberry lily). Ito ay hugis sagwan, puso o bilog kung permanenteng nakabukás. Marami na rin ang abanikong natitiklop na gawa sa iba’t ibang materyales, katulad ng papel, balahibo, tela, plastik, at iba pa.


Hango sa salitâng Espanyol (‘abanico’), ang abaniko ay sagisag na ng pagkamalikhain ng mga Filipino. Ang uri ng materyales na gamit na may matitingkad na kulay, at ang disenyo ng habi at hugis ay nagpapahiwatig sa kulturang Filipino na pinanggalingan nitó.


Halimbawa: ang abaniko ng mga Ivatan (Batanes) ay hugis bilóg na may mga tulis kada pagitang dalawang pulgada sa palibot at may maliliit na bútas bagama’t masinsin ang pagkakahabi ng parang yantok na materyales. Ang abaniko ng mga Chavacano naman ay hindi pangkaraniwan dahil ito ay may dalawang gamit: pamaypay at sombrero. Kung pamaypay, ito ay naititiklop na katulad ng gamit ng mga Espanyolang babae at Hapones; kung sombrero naman, ito ay binubuksan at pinagdidikit ang magkabilang dulo para maihugis sombrero. Ang materyales ay batik na tela na nakadikit sa manipis at malambot na kawayan.


Bukod sa ang abaniko ay madalas na kaugnay ng baro’t sáya ng magagandang dilag Filipina, marami ring kahulugan at mensahe ang naipapaabot sa pamamagitan ng paghawak ng abaniko.


Halimbawa, mensahe ng kahinhinan ang itakip ang abaniko sa dibdib ng isang dilag; mensaheng pag-ayaw o pagkainis kapag namaypay nang mabilis ang isang babae; at sa eskrima, ang aksiyon ng pagbukás ng abaniko ay signal ng kahandaan ng magkalaban sa martial arts.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: