Si Lope K. Santos ay pangunahing manunulat at makata, lingguwista, at lider manggagawa.


Noong 1900, nagsimula si Santos bilang peryodista sa iba’t ibang diyaryo hanggang maging editor ng Muling Pagsilang, Lipang Kalabaw, at iba pa.


Nakapagsulat si Santos ng sampung tomo ng mga tula. Kasama sa mga itinuturing na mahahalagang koleksiyon niya ang Puso at Diwa (1908), Mga Hamak na Dakila (1945), Ang Diwa ng mga Salawikain (1953), at ang tulang pasalaysay na Ang Pangginggera (1912).


Sa anim na nobela niya, tampok ang Banaag at Sikat (1906), na may diwaing sosyalista.


Isa rin siyang kritiko ng panitikan. Kabilang sa pinakamahahalaga niyang kritisismo ang “Peculiaridades de la poesia Tagala” (1929), “Tinging Pahapyaw sa Kasaysayan ng Panitikang Tagalog,” “Ang Apat na Himagsik ni Balagtas” (1955).


Malaki rin ang naging ambag ni Santos sa pagtataguyod ng wikang pambansa. Naging direktor siya ng Surian ng Wikang Pambansa at awtor ng Balarila ng Wikang Pambansa na naging opisyal na teksbuk sa pagtuturo ng wikang Tagalog.


Naging aktibo rin si Santos sa politika. Naging gobernador siya ng Rizal, unang gobernador ng Nueva Vizcaya, at senador ng ika-12 distrito.


Bilang senador, inakda niya ang Araw ni Bonifacio at mga batas para mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa. Kasama rin siya ni Isabelo de los Reyes na nagtatag ng Union Obrera Democratica (1902). Naging pangulo rin siya ng Union del Trabajo de Filipinas, tagapagtatag at pangulo ng Congreso Obrero.


Ipinanganak siya noong 25 Setyembre 1879 sa Pasig, Rizal. Anak siya nina Ladislao Santos at Victoria Canseco (nang lumaon, babaybayin ni Santos ang Canseco gamit ang titik K).


Napangasawa niya si Simeona Salazar. Maagang natuto si Santos ng pag-iimprenta sa kaniyang amang nagtatrabaho sa isang imprenta.


Nag-aral siya sa Escuela Normal Superior de Maestros at Escuela de Derecho sa Maynila at natamo ang kaniyang batsilyer sa sining mula sa Colegio Filipino. Namatay siya noong 1 Mayo 1963.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: