jose palma

Sino si Jose Palma?


Jose Palma (3 Hunyo 1876-12 Pebrero 1903)


Si Jose Palma (Ho·sé Pál·ma) ay isang makata at sundalo na naging tanyag sa pagsulat niya ng “Filipinas,” na siyáng naging titik sa wikang Espanyol ng Pambansang Awit.


Noong 1894, sumapi siyá sa Katipunan, at noong 1899 ay sumanib sa hukbo laban sa mga Amerikano na pinamumunuan ni Col. Rosendo Simon. Nakasáma siyá sa mga labanan sa Angeles, Pampanga at Bambang, Tarlac sa ilalim ni Col. Servillano Aquino. Hindi pinayagan ng kaniyang mahinàng kalusugan ang paglahok sa iba pang labanan, at nanatili na lámang siyá sa mga kampo. Sumali siyá sa La Independencia, ang pahayagang itinayô ni Antonio Luna. Dito nalathala ang tula niyang ”Filipinas” na siyáng inilapat sa musika ng ”Marcha Nacional Filipina” ni Julian Felipe.


Nagkaroon siyá ng pitak na ”Vida Manileña” sa pahayagang El Renacimiento sa panahon ng Amerikano. Ang kaniyang mga tula at artikulo ay lumabas sa mga pahayagang El Comercio, La Moda Filipina, La Patria, La Union, at Revista Catolica. Kapatid siyá ni Rafael Palma na naging pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Nang pumanaw si Jose, ipinalimbag ni Rafael bilang isang aklat ang mga naiwan nitóng tula na pinamagatang Melancolicas.


Isinilang siyá noong 3 Hunyo 1876 sa Tondo, Maynila kina Hermogenes Palma at Hilaria Velasquez. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila at doon siyá nahasa sa pagsusulat. Natigil ang kaniyang pag-aaral nang sumanib siyá sa Katipunan. Pumanaw siyá noong 12 Pebrero 1903 sa sakit na tubercolosis.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr