Sino si Faustino Aguilar?


Itinuturing na haligi ng panitikang Tagalog bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Faustino Aguilar (Faws·tí·no A·gi·lár) ay isang nobelista, peryodista, at lider-manggagawa.


Ipinanganak siya noong 15 Pebrero 1882 sa Malate, Maynila at anak nina Claro Vergara Aguilar at Juana Ongjoc de los Santos. Sa gulang na 14 taon, nasaksihan niya ang pamamalo ng mga fraile sa kaniyang ama at sinasabing may malaking impluwensiya sa kaniyang pakikibaka laban sa kolonyalismo.


Nagsimulang maging bahagi ng Katipunan si Aguilar bilang mensahero ni Vicente Fernandez, isang Katipunerong kinupkop ng kaniyang pamilya. Pagkaraan, naging kawani siya ng Kalihim ng Digmaan at naging Kalihim Panloob ng Republika ng Malolos noong 1899.


Napiit siya noong 1899. Nalingkod din siya laban sa mga Amerikano sa Digmaang Filipino-Amerikano at ipinagpatuloy ang pakikibáka sa larangan ng peryodismo. Naging editor siyá ng seksiyong Tagalog ng pahayagang La Patria noong 1902; pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging unang editor ng pumalit na pahayagang Taliba.


Naging aktibo si Fustino Aguilar sa mga usaping pangmamagawa kaya naging pangalawang direktor siya ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan ay naging direktor nitó sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siyá ng Senado mula Enero 5, 1923 hanggang mabalik siyá sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taóng 1933-1939.


Nagpakasal siya kay Isidora Ortiz Alonzo noong 1904 at nagkaroon silá ng apat na anak. 1949 nang muli siyáng mag-asawa at nagpakasal kay Emilia Warren. Yumao siyá noong 24 Hulyo 1954 sa Maynila.


Ang malasákit niya sa kapakanan ng manggagawa ay nakatampok sa Pinaglahuan (1907), itinuturing na pangunahing nobela niyá at hinggil sa malungkot na kapalaran ng lider-manggagawang si Luis Gatbuhay. Tinalakay pa niyá ang masaklap na búhay ng karaniwang tao sa mga nobelang Busabos ng Palad (1909) na tungkol sa isang anak-mayamang tinakwil ng lipunan nang piliing maging mananayaw; Nangalunod sa Katihan (1911) na ukol kay ni Dimas-ilaw, isang lalaking namunò sa pakikibáka laban sa masamâng pamahalaan at simbahan; Sa Ngalan ng Diyos (1911) na nagsalaysay naman sa mga paraan ng pamamalakad ng mga Heswita upang magpayaman; at Kaligtasan (1951) na naglalahad sa mga tunggaliang bunga ng urbanisasyon ng isang maliit na bayan. Ang Lihim ng Isang Pulo (1927) ay ukol sa alamat ng magkasintahang naging punò ng aguho ngunit katangi-tangi dahil sa ekperimento sa paggamit ng dalisay na wikang Tagalog.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: