Horacio de la Costa
Bantog na manunulat, iskolar, at historyador, unang Filipino na naging provincial superior ng Compañia de Jesus, ipinanganak si Horacio de la Costa (Ho·rás·yo de la Kós·ta) sa Mauban, Quezon noong 9 Mayo 1916 kina Hukom Sixto de la Costa at Emiliano Villamayor.
Una siyang nagaral sa Batangas, Batangas bago lumipat sa Ateneo de Manila na kinilála ang kaniyang liderato at talino.
Naging editor siya ng Guidon at nagtapos ng AB summa cum laude. Noong 1935 pumasok siyáng novitiate sa seminaryo ng mga Heswita sa Novaliches at tinapos doon ang masterado bago bumalik sa Ateneo para magturo ng pilosopiya at kasaysayan.
Nabilanggo siyá sa panahon ng mga Hapones ngunit nang palayain ay tumulong sa pangangalaga ng mga sundalo. Dahil dito, ginawaran siyá ng medal of freedom ng mga Amerikano noong 1946.
Bumalik siyá sa pagtuturo sa Ateneo hanggang maging dekano, konsultant sa probinsiyang Filipino ng mga Heswita, at editor ng Philippine Studies. Tumanggap siyá ng mga iskolarsip sa ibang bansa noong dekada sisenta at nagkamit ng doktorado, honoris causa, mula sa UST, Sophia University, at Silliman University.
Kabilang sa mga aklat niya ang Readings in Philippine History, Asia and the Philippines, The Background of Nationalism and Other Essays, at The Trial of Rizal. Nag-ambag din siyá ng mga artikulo sa mga journal na pang-iskolar.
Noong 1965, binigyan siyá ng Republic Heritage Award dahil sa kaniyang mga akdang pangkasaysayan.
Noong 8 Disyembre 1969 hinirang siyáng provincial superior ng mga Heswita. Noong 1971, hinirang siyáng pangkalahatang katuwang at konsultant sa father general ng mga Heswita sa Roma.
Ilang taón bago siyá mamatay, dumalo siyá sa pangkalahatang kongregasyon ng mga Heswita sa Roma at siyá ang pinagborador ng ulat na “The Jesuits Today.” Tatlong araw niya itong sinulat mag-isa. Nang basáhin ang borador, tumindig at pumapalakpak ng paghanga ang lahat at tinanggap ang sinulat niya nang walang pagbabago.
Namatay siya sa kanser noong 20 Marso 1977.
No Comment to " Horacio de la Costa "