Mula sa Espanyol na tertulia, tumutukoy ang tertulya sa munting pagtitipon ng mga maginoo at mariwasa upang magkuwentuhan at mag-aliw habang nagmemeryenda pagkatapos ng orasyon.


Sa Pilipinas, naging paraan ito ng pagkikita ng mga manunulat, artista, at mga nagmamahal sa kultura at sining upang talakayin ang iba’t ibang paksa.


May mga samahanang pampanitikan na naging kilalá sa pagdiriwang ng tertulya noong hulíng dekada ng ika-19 dantaon at unang dekada ng ika-20 dantaon.


Pangunahin dito ang Academia de la lengua y literatura na binubuo ng mga manunulat mula sa mga unibersidad. Itinatag ito at pinamunuan ni Macario Adriatico kasáma ang 50 mga kasapi, gaya nila Fernando Ma. Guerrero, Gregorio Aguilera, Luis Luna, at Cecilio Apostol at nahikayat ring mapadalo ang mga tulad nina Rafael Palma, Clemente Jose Zulueta, Manuel Guerrero, maging sina Emilio Jacinto at Juan Sumulong.


Isa pang samahang pampanitikan ang El Jardin de Epicuro na pinamunuan ni Fernando Ma. Guerrero. Modernista ang mga miyembro nitóng gaya nina Sixto Roces, Feliciano Basa, Jose R. Teotico, Flavio Cano Zaragoza, Alejo Valdez, Jose Gavira Hernandez, at Jesus Balmori. Pangunahin nilaág tinatalakay ang mga akda ni Ruben Dario na siyáng naging malaking impluwensiya ng kanilang panulat.


Tanyag din sa mga tertulya ang pinakamatandang samahang pampanitikan na Liceo-Artistico Literario na itinatag noong 1879. Layunin ng grupong ito na palaganapin ang panitikang Espanyol. Bukod sa mga tertulya, nagdaos rin ito ng mga paligsahang pampanitikan; na kapwa napagwagian ni Jose Rizal gamit ang kaniyang mga akdang “A la juventud filipina”


(1879) at ang “El consejo de los dioses” (1880). Sa pamamagitan ng mga tertulya, nakahikayat ang Academia, El Jardin, at Liceo ng mga manunulat na makipagtalakayan ukol sa mga usaping pampanitikan, panlipunan, at pampolitika ng kanilang panahon.


Ginamit din itong paraan ng mga manunulat sa wikang Tagalog upang magtipon, lalo na sa kaarawan ni Balagtas at ibang bayaning manunulat. May mga tertulya pa noong nalalathala sa peryodiko dahil bantog ang mga dumalo o kayâ may naganap na hindi karaniwan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr