gregorio del pilar

 

Gregorio del Pilar: Bayani ng Pasong Tirad


Si Gregorio del Pilar (Gre·gór·yo del Pi·lár) ang binansagang “Bayani ng Pasong Tirad” at pinakabatang heneral sa Himagsikang Filipino.


Ipinanganak siya noong 14 Nobyembre 1875 sa San Jose, Bulacan, Bulacan. Ang ama niyang si Fernando H. del Pilar ay kapatid ni Marcelo H. del Pilar, at bagama’t angkan ng mayamang Gatmaitan ay nasa sangang mahirap ang kaniyang pamilya.


Matagal na niyang nais sumapi sa Katipunan ngunit hindi tinanggap dahil masyadong bata. Gayunman, nagsilbi siyang tagapagdala ng mensahe at tagapagkalat ng mga akdang mapanghimagsik. Nang sumiklab ang Himagsikang Filipino, tumakas palabas ng Maynila si Goyo (palayaw niya) at tinanggap na ring kasapi ng Katipunan.


Unang nakilala ang kagitingan ni Goyo sa Labanang Kakarong, isang lugar sa Pandi, Bulacan, noong 1 Enero 1897. Dahil dito’y nabigyan siya ng ranggong tinyente. Kinagulatan siya sa pag-asinta ng rebolber. Sa kaniyang kahusayan sa pakikidigma ay itinaas ang ranggo niya sa tenyentekoronel.


Kabilang siya sa lumagda sa Konstitusyong Biyak-na-Bato at sa maliit na pangkat na isinama ni Aguinaldo sa Hong Kong kaugnay ng pansamantalang kapayapaan. Kasama rin siya ni Aguinaldo nang bumalik sa Pilipinas.


Sa Cavite, hinirang siya ni Aguinaldo bilang “diktador ng Bulacan at Nueva Ecija.” Sa loob naman ng madalîng panahon, nakabuo siya ng batalyon at napasuko niya ang mga Espanyol sa Bulacan at Nueva Ecija. Itinaas siya ni Aguinaldo sa ganap na heneral at noong inagurasyon ng Kongresong Malolos ay pinanguna siya sa paradang militar.


Kasama ni Aguinaldo si Goyo sa pag-urong mula sa Bayambang, Pangasinan hanggang makarating sila sa Ilocos Sur. Noong 1 Disyembre 1899, ipinasiya niya, kasama ang maliit na pangkat ng kawal na Filipino, na harapin ang mga tumutugis na Amerikano sa Pasong Tirad. Ipinagtanggol nila ang paso upang magkaroon ng panahon ang pangkat ni Aguinaldo na makalayo. Kasama si Goyo sa mga nagbuwis ng buhay sa labanang iyon bago nakuha ang Pasong Tirad. Ipinangalan sa kaniya ang isang bayan sa Ilocos Sur at ang Fort Del Pilar, tahanan ng Philippine Military Academy sa Lungsod ng Baguio.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: