On
Saan matatagpuan ang akademya militar ng Filipinas?


Mas kilala sa maikling Ingles na daglat PMA (Philippine Military Academy), ang Akademya Militar ng Filipinas ang institusyong nagsasanay ng mga kadete na magiging opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Filipinas para sa tatlong sangay ng serbisyo nitó, ang hukbong katihan (army), hukbong dagat ( navy), at hukbong panghimpapawid (air force). Matatagpuan ang PMA sa Fort del Pilar, Lungsod Baguio, may sampung kilometro mula sentro ng siyudad.


Nag-umpisa ang PMA bilang Akademya Militar sa Malolos, Bulacan noong 25 Oktubre 1898 sa katulad na layunin. Tumagal lamang ang Akademya hanggang 20 Enero 1899 dahil sa pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano.


Nagbukas itong muli bilang Officer’s School ng Philippine Constabulary noong 17 Pebrero 1905 hanggang 1908 sa Intramuros, Maynila. Sa bisa ng Philippine Legislature Act No. 3496 binuo ang Philippine Constabulary Academy noong 8 Setyembre 1926 para maghandog ng tatlong taong pagsasanay.


Pormal na pinangalanan itong Philippine Military Academy noong 21 Disyembre 1936 ng Commonwealth Act No. 1, at pinayagan ding maghandog ng apat na taong kurikulum para sa mga magsasanay bilang mga opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Filipinas. Nang magkaroon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, maagang pinagtapos ang batch ng 1942 at 1943 na mga kadete para maitalaga sa mga lugar ng tunggalian katulad ng Bataan.


Sa pagkakataong ito marami sa kanila ang nasawi. Matapos ang digmaan nagbukas muli ang Akademya sa Camp Henry T. Allen sa Lungsod Baguio noong 5 Mayo 1947. Hindi pa nagtagal, inilipat ito sa Fort del Pilar dahil kinailangan ang mas malaking lugar para sa lumalaking populasyon ng estudyante. Ito ngayon ay nasa 373 ektaryang espasyo.


Kung noong mga naunang kasaysayan ng PMA ang mga tinatanggap lamang ay mga lalaki, nag-umpisa noong 1993 tumanggap ang Akademya ng mga babaeng kadete, isang makabuluhang simbolo ng pagkilala sa pantay na katayuan ng dalawang kasarian sa lipunan. Sinasanay ang mga kadeteng lalaki at babae sa Akademya alinsunod sa pamantayan ng dangal ng isang magiging opisyal ng militar, ang motto nilang Courage, Loyalty, at Integrity.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: