pasong tirad


Ang Pasong Tírad ay isang makitid na lagusan sa Bundok Tirad na bahagi naman ng kabundukan ng bayan ng Concepcion (Gregorio del Pilar ngayon), Ilocos Sur sa may kanlurang bahagi ng Cordillera. May taas itong 1300 metro na natatakpan ng mga ulap tuwing maulan.


Dahil sa tarik nito, hindi makikita ng sinumang paakyat ng paso ang mga nakatuntong dito. Dahil sa estratehiko nitong posisyon, pinili ni Heneral Gregorio del Pilar ang nasabing lugar upang harangin at gulatin ang pangkat ng Amerikanong nais hulihin si Pangulong Emilio Aguinaldo na tumatakas nang pahilaga. Inutusan niya ang kaniyang 59 piling kawal na maghukay sa tatlong level ng paso. Dito, maaari nilang barilin at tapunan ng bato ang mga paakyat na Amerikano.


Noong 2 Disyembre 1899, ginulat nina del Pilar ang 500 sundalong Amerikano na pinamumunuan ni Major Peyton C. March. Nahirapan ang mga Amerikano na masupil sina del Pilar dahil sa kasikipan at katarikan ng nasabing paso.


Sa kasamaang-palad, nalaman ng mga Amerikano, sa tulong ng isang lalaking nangangalang Januario Galut, ang tanging daan papunta sa itaas ng Pasong Tirad sa mismong likuran nina del Pilar. Sumalakay ang puwersang Amerikano sa pamamagitan ng daang ito. Pagkatapos ng ilang oras na pagsalakay ay dalawa na lamang ang natira sa puwersa ng mga Filipino at kasama si del Pilar sa mga nasawi.


Matapos ang labanan, nakuha ang talaarawan ni del Pilar. Narito ang isang bahagi nito: “Ibinigay sa akin ni Heneral ang lahat ng tauhan na maaring ilaan sa akin at inutusan niya ako na ipagtanggol ang paso. Nauunawaan ko kung gaano kabigat ang ipinagagawa sa akin, pero pakiramdam ko, ito ang pinakamaluwalhating sandali ng aking buhay. Wala nang sakripisyo ang hihigit pa sa gagawin ko para sa aking mahal na bayan.” 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr