Ano ang bagyo?

Ang salitang bagyo ay nangangahuluga ng napakasamang lagay ng panahon na may dalang malakas na hangin at ulan.


Tinatawag ding “buhawing tropikal” (tropical cyclone).


May apat na babala o warning ito kapag daraan ito sa Filipinas sa susunod na 12 hanggang 36 na oras depende sa lakas ng hangin. 

  1. Ang Babala Blg 1 ay para sa hanging may bilis na 30-60 kilometro bawat oras na may kasamang pabugso-bugsong ulan.
  2. Sa Babala Blg 2, ang hangin ay may bilis na 60-100 kilometro bawat oras.
  3. Sa Babala Blg. 3, ang hangin ay may bilis na 100 – 185 kilometro bawat oras, at
  4. Babala blg 4, ang hangin ay may bilis na mahigit sa 185 kilometro bawat oras.


Nagsimulang kasindakan ang bagyo noong 1911 pagkaraang maitala sa Lungsod ng Baguio ang 46 na pulgada ng ulan sa loob lamang ng 24 oras.


Ang mga bagyo sa Filipinas ay kadalasang nabubuo tuwing buwan ng Mayo hanggang Nobyembre sa hilagang-kanluran ng Dagat Pasipiko at nagmumula sa Marianas at mga pulo ng Carolinas.


Ang mga bagyong pumapasok sa loob ng Filipinas ay binibigyan ng lokal na pangalan ng Pangasiwaan ng Palingkurang Atmosperiko, Heopisikal at Astronomiko ng Pilipinas (PAGASA),
ang ahensiya ng gobyerno na sumusubaybay at nag-aaral sa galaw ng klima ng bansa.


Karaniwang umaabot sa 20 bagyo ang dumaraan sa bansa kada taon, subalit noong 1993, umabot ang bilang nito sa 32.


Sa taunang tala, ang buwan ng Setyembre ang may pinakaaktibong galaw ng mga unos sa bansa at ang hilagang Luzon at silangang Bisayas naman ang madalas tamaan ng mga ito.


Ang pinakamapinsalang bagyo na tumama sa Filipinas ay ang Bagyong Uring noong 1991 na nagdulot ng malaking pagbaha at kumitil ng mahigit 5,000 katao bukod pa sa ilang libo kataong nawawala.


Pumangalawa ang Bagyong Nitang na nakapagtala ng mahigit isang libo kataong namatay. Noong Setyembre 2009, lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Maynila, partikular ang mga siyudad ng Marikina at Pasig, at karatig probinsiya dulot ng Bagyong Ondoy.


At Setyembre 2011, inilubog din ng katulad na bahâ ang Luzon, partikular ang mga bayan ng Bulacan at Pampanga, dulot ng magkasunod na Bagyong Pedring at Pepeng.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: