Bahay Kubo: Ang pambansang tahanan
Kinakatawan din nito ang pagiging malapit ng Filipino sa kalikasan.
Presko ang kalooban ng bahay dahil maraming puwang para pumasok ang hangin. Ang pangyayaring ito ay sumasagisag diumano sa nakabukas na kalooban ng tumatahan, sa katapatang makisama, at sa pagkakaisa ng pamilya.
Munti at kuwadrado ang estruktura ng bahay-kubo. Madalî itong maitayo dahil yari sa materyales na matatagpuan sa kaligiran.
Kahoy o kawayan ang mga haligi at balangkas ng sahig, dingding, at bubong. Pawid o kugon naman ang ginagamit na pantakip sa dingding at bubong.
Mababa man ito ay nakaangat sa lupa at kailangang akyatin gamit ang hagdan na may tatlo hanggang limang baitang. Karaniwang ginagawang kulungan ng mga alagang hayop ang silong.
Madalas itong maging tanda ng bayanihan, dahil malimit ilarawan na pinagtutulungang pasanin ng magkakapitbahay at magkakanayon kapag kailangang ilipat ng pook. Paksa rin ito ng isang popular na awiting bayan, na naglalarawan hindi ng loob o kaanyuan ng bahay-kubo kundi ng mga pananim at gulay sa bakuran at “paligid-ligid” nito.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bahay Kubo: Ang pambansang tahanan "