On
palay

Isang halamang damo ang pálay (oryza sativa) at may bungang butil na pangunahing pagkain sa Pilipinas. Pangwalo sa pinakamalaking prodyuser ng pálay san buong mundo ang Filipinas bagaman isa din ito sa pinakamalaking importer ng bigas. Naitalâ ng bansa noong 1973 ang rekord na ani dahil nakapag-export ito ng 90,000 tonelada ng bigas at may tatlong-buwang reserba sa bodega.


Isa sa pinakamatandang halaman ang pálay. Ang pag-aalaga nitó ay itinuturing na isang mahalagang hakbang sa pagsúlong ng búhay ng tao. Kinain ito ng higit na maraming tao kaysa alinmang halaman sa kasaysayan. May dalawang espisi ito: ang Oryza sativa na itinatanim sa buong mundo, at ang Oryza glaberrima na itinatanim sa Kanlurang Aprika. Sinasabing umaabot sa 112,000 ang uri ng binhi ng pálay at nakaimbak ang pinakamalaking koleksiyon nitó sa International Rice Research Institute (IRRI) na nása Los Baños, Laguna. May dalawang paraan ng pagtatanim ng pálay sa Filipinas. Pinakamabisà ang paglilináng. Pinatutubigan ang bukid, inaararo, sinusuyod, hábang pinalalaki ang binhi sa punlaan na inililipat sa linang sa akmang panahon. Ikalawa ang pagbabakál na ginagamit sa bakoód o mataas na lupain. Nililinis ang gagawing bukid, nagtutundos sa lupa sa pamamagitan ng matulis na kahoy at tinatawag na pambakál, at inihuhulog ang binhi sa bawat butas. Itinuturing na isa sa kagila-gilalas na inhinyeriya ang páyyo o payáw—bukiring inukit at paakyat sa kabundukan—na matatagpuan sa Cordillera.


Ang aning butil ng pálay ay binabayo upang lumabas ang putîng laman o bigás. Ang bigas ay iniluluto upang maging kánin. Gayunman, ginigiling din ang bigas upang maging likidong galapóng at ginagawang kakanín. Maraming púto at súman na gawa sa bigas. May alak-bigas din, gaya ng tápuy. Bukod dito ang mga produktong panggatong, pataba, gawgaw at arina, lubid, walis, banig, sako, at pagkain ng hayop. Ang balát ng butil o ipá ay nagagamit na panggatong at pataba. Ang balát na pino ang pagkadurog sa kiskisan ay nagiging darák at pagkain ng baboy at ibang alagang hayop. Ang dayámi o natuyong uhay ng pálay ay tinitipon bilang pagkain ng kalabaw at báka bukod sa ginagawang papel at ibang gamit na pang-industriya.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr