Sa kabila ng modernong vacuum cleaner, pinagtitiwalaan pa ring panlinis sa sahig ng karaniwang bahay ang tambalang bunot at walís.


Kahit may vacuum cleaner na, lagi pa ring may walís para sa mga gawaing hindi kaya ng mekanisado at de-koryenteng panlinis.


May mga singit na maaari lamang kutkutan ng dumi sa tulong ng walís. Ang sabi din, mas makintab ang sahig na “binunot.”


Dalawang klase ang walís. Una, ang walís tingtíng na tinaliang kumpol ng mga tingting o tadyang ng dahon ng niyog. Mainam itong pangkutkot ng dumi, pang-alis ng agiw, at karaniwang panlinis sa bakuran. Ikalawa, ang walis tambo na tila pamaypay na kumpol ng mga dahon ng tambo o talahib at nilagyan ng tagdan. Mainam itong panlinis ng alikabok at maliliit na dumi sa sahig.


Ang bunot ay kalahati ng balat at bao ng bunga ng niyog. Binubusalsal ang balat upang magmukhang ulo ng sepilyo. Pataob na inilalapat ito sa sahig,“sinasakyan” ng naglilinis, at ulit-ulit na pinadadaan sa bagong wax na sahig hanggang kumintab. Sinusundan pa ito ng pagpapadaan ng tuyo at malinis na basáhan upang maalis ang mugmog ng bunot at lalong kuminis at magningning ang kintab.


Bukod sa mura, ang paglilinis sa pamamagitan ng bunot at walis ay matipid dahil hindi kumukonsumo ng elektrisidad at mahusay na ehersisyo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: