May dalawang suyod sa buhay ng mga taganayon noon.
  1. Una, ang suyod na pansuklay ng buhok.
  2. Ikalawa, ang suyod na pandurog ng tiningkal sa inararong linang.


Ang suyod sa buhok ay suklay na may matitigas at pinong ngipin at ginagamit upang ipanlinis ng ulo’t buhok. Maliit lamang ito, halos kasinlapad ng kamao, upang madalîng hawakan ng tagsuyod at upang hindi ito mahirapan sa ulit-ulit na paghagod sa iba-ibang bahagi ng ulo at ibang anggulo ng buhok. Karaniwang bagong paligo, o higit na tiyak, bagong gugo o shampoo ang ulong sinusuyod. Karaniwang layunin din ng ulit-ulit na paghagod sa pamamagitan ng suyod ang pag-aalis ng kuto sa buhok at pati kuyumad sa anit.


Ang suyod na kasangkapan sa pagsasaka ay kawangis ng suyod sa buhok bagaman higit na napakalaki, may mga bakal at matutulis na ngipin, may balangkas at kahoy na hawakan, at hinihila ng kalabaw. Ginagamit itong pandurog ng mga inararong tiningkal at panlinis ng damo’t ibang yagit sa linang. Sa ulit-ulit at paikot-ikot na pagpapadaan ng súyod sa isang pitak ay magkasabay na nadudurog at napapatag ang lupa at nalilikom ang dumi. Itinataktak sa pilapil ang mga yagit na naipon sa mga ngipin ng súyod. Pagkatapos ng pagsusuyod ay nakahanda na ang linang para tamnan.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: