Ano ang araro?


Isang pangunahin at tradisyonal na kasangkapan sa pagsasaka ang araro (mula sa Espanyol na arado). May mga varyant itong daro sa Sebwano at dado sa Maranaw at tinatawag na lokoy sa Pangasinan.


Ginagamit ito sa pagbungkal ng malaking piraso ng bukirin, lalo na sa kapatagan, at karaniwang hinihila ng kalabaw o baka.


May paniwala na ipinakilala lamang ito sa agrikultura ng Filipinas sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Hindi ito ginagamit sa pagbabakal ng bakood at kaingin. Hindi rin gumagamit ng araro ang pagsasáka noon ng payyo sa Cordillera. Kinailangan ang araro sa maluluwang at pinatubigang bukirin.


Ang tradisyonal na araro ay binubuo ng bahaging kahoy at bahaging bakal. Apat na piraso ng kahoy ang pinakabalangkas nito, kasama ang tinatawag na lunas, ang nakaarkong kahoy na kinakabitan ng lubid na may singkaw ng kalabaw, at ang mataas na puluhan na tinatawag na ugit.


Ang lunas ay pinakatiyan ng araro at binubuo ng dalawang maikling piraso ng kahoy na pinaghugpong sa anggulong 90 digri. Sa hugpungan ng lunas nakakabit ang bahaging bakal, na binubuo naman ng sudsod at lípya. Ang sudsod ay patulís na piraso ng bakal at tulad ng ibig sabihin ng pangalan ay tumutusok sa lupang binubungkal. Ang lípya ay hugis-pusong piraso ng bakal at humahawi sa isang tabi sa mga tiningkal o malalaking piraso ng lupa na iniaalsa ng sudsod.


Sa kasalukuyang modernong pagsasaka, pumalit na sa araro ang mekanisadong traktora bilang pambungkal. May tinatawag na kuliglíg, na tatak ng isang maliit at popular na traktorang-kamay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: