Cordillera Administrative Region (CAR)
Noong 15 Hulyo 1987, nilagdaan ni Pangulong Corazon C. Aquino ang Atas ng Pangulo Blg. 220 na lumilikha sa Cordillera Administrative Region (Kor·dil·yé·ra Ad·mi·nís·tra·tív Rí·dyon) o CAR mula sa tinatawag noong mga Lalawigang Bulubundukin sa Kabundukang Cordillera. Binubuo ito ng Mountain Province, Benguet, Ifugao, Kalinga-Apayao at isináma ang Abra.
Bahagi ito ng programa sa pagbibigay ng awtonomiyang political sa rehiyon at sagot sa kahilingan ng rebeldeng Cordillera People’s Liberation Army. Noong 14 Pebrero 1995, ang Kalinga-Apayao ay pinaghiwalay bilang dalawang lalawigan.
Ang probinsiya ng Benguet ang kabisera ng CAR. Dito matatagpuan ang Lungsod Baguio, ang tinaguriang Summer Capital of the Philippines, at La Trinidad na mga sentrong pang-industriya ng rehiyon.
Ang CAR ay binubuo ng mga kulturang katutubo na pangkalahatang tinatawag na Igorot. Ang malalaking grupo ng kulturang Igorot ay ang mga sumusunod: Ibaloy (Benguet), Kankanaey (Mountain Province at ilang bahagi ng Benguet), Isneg (Apayao), Tinggian (Abra), Ifugaw (Ifugao) at Kalinga (Kalinga).
Ito rin ang mga pangalan ng kanilang mga katutubong wika. Ipinagmamalaki ng mga ito ang kanilang tradisyonal na kultura, lalo na ang mga kasuotan, sayaw, panitikang-bayan, awit, at instrumento pangmusika.
Sagana ang rehiyon sa mga reserbang minahan, bagaman nakasentro ang pagmimina sa Benguet. Nawala halos ang kahoy dahil sa malaganap na kaingin. Apektado ng pangyayaring ito ang malakas at tradisyonal na sining na paglililok sa kahoy. Malakas ang produksiyon ng gulay sa Benguet, pagsasaka ng palay sa Ifugaw at Abra, at mais sa Mountain Province at Kalinga.
Malakas ang turismo sa rehiyon. Pangunahing pang-akit ng pandaigdigang turismo ang mga payyo, lalo na ang nasa Banaue at deklaradong UNESCO World Heritage Site.
Mga likás na atraksiyon ang Yungib Sumaguing ng Sagada at mga yungib ng mummies sa Benguet at Mt. Povince. Mga Pambansang Parke ang Burol Cassamata, Bundok Data, BalbalsangBalbasan, at Bundok Pulag na pinakamataas sa Luzon at ikalawa sa pinakamataas sa buong bansa.
Kabílang sa mga pistang dinadayo ng turista ang Panagbenga o Baguio Flower Festival tuwing Pebrero, ang Adivay ng Benguet tuwing Nobyembre na isang peryang agro-industriyal, ang Ullalim tuwing Pebrero 14 na pagdiriwang sa anibersaryo ng pagkatatag ng Kalinga.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Cordillera Administrative Region (CAR) "